Kulturang Pilipino sa Bawat Batang OLOPSCian!

Isinulat ni Bb. Alexa Rae Y. Santos

Noong nakaraang Biyernes, Agosto 31, 2018, ang mga mag-aaral sa OLOPSC Preschool ay ipinagdiwang ang Buwan ng Wika sa pamamagitan ng isang programang may temang, “Kulturang Pilipino, Ipagmamalaki Ko!”. Ang layunin ng programang ito ay maipakita ang pagpapahalaga sa sariling wika at kulturang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapamalas ng talento sa pag-sayaw, pag-awit at pag-tula gamit ang wikang Filipino.

Ang nasabing programa ay ginanap sa OLOPSC Gymnasium. Ito ay nagsimula ng 8:00 hanggang 10:00 para sa mga mag-aaral na pang umaga at 12:30-2:00 naman para sa naman sa mga panghapon na mag-aaral. Si Bb. Cholene Herrera ang naging guro ng palatuntunan.

Ang mga mag-aaral, guro at miyembro ng Preschool Department ay dumating sa paaralan ng may iba’t ibang kasuotang pang Pilipino. Kitang-kita ang pananabik ng mga magulang na matunghayan ang kanilang mga anak sa pagdiriwang na ito.

Ang programa ay sinimulan sa pamamagitan ng pambungad ng panalangin mula kay Hugh Raleigh T. Roxas ng K2-Friendly sa umaga at Loreen Joyce S. Benecio ng K2-Courteous para sa hapon. Inawit din ang Lupang HInirang at OLOPSC Hymn pagkatapos ay ang panimulang pagbati mula sa PTA Preschool Representatives na sina Gng.Benilda Tauro at G. Michael Senares. Sinundan naman ito ng isa sa pinakahihintay na sandali ng mga magulang, ang paglabas sa entablo ng kani-kanilang mga anak. Ang mga bata ay sabay-sabay na inawit at sinayaw ang Culminating Song na may pamagat na “Handog ng Pilipino sa Mundo”. Ang mga bata ay nagpakita ng pagmamalaki sa pagiging Pilipino habang ito ay inaawit at sinasayaw. Ang mga magulang naman ay tuwang-tuwa sa ganda ng pambungad na presentasyon.

Ang pagtatanghal ng bawat pangkat ay sinimulan ng mga mag-aaral mula sa Nursery. Sila ay nagsayaw ng “Maglalatik” at “Itik-Itik”. Sinundan ito ng mga mag-aaral sa Kinder 1. Ipinamalas ng mga Kinder 1 ang kanilang husay sa pag-awit sa mga kantang may pamagat na “Isang Lahi” at “Ako’y Isang Pinoy.” Ang mga mag-aaral sa Kinder 2 naman ay ibinahagi ang kanilang galing sa sabayang pagbigkas na may pamagat na “Ako, Ikaw, Tayo” at “Bandila ng Lahi”. Habang ang mga bata at guro ay naghahanda sa entablado, si Bb. Cholene ay nagtanong ng iba’t ibang mga trivia tungkol sa ating bansa at ang mga nakasagot ay nakatanggap ng munting premyo. Ilan sa mga trivia ay tungkol sa iba’t ibang bayani, lugar at kasaysayan ng Pilipinas. Pagkatapos ng bawat pagtatanghal, ang mga bata ay nakatanggap ng masigabong palakpakan mula sa mga manonood dahil sa kanilang ipinakitang galing ng isang batang Pilipino.

Ang mga mag-aaral ay bumalik sa kanilang mga silid-aralan pagkatapos ng kanilang pagtatanghal. Ang mga magulang naman ay nanatili sa gymnasium upang mapanood ang isang AVP tungkol sa mga iba’t ibang gawain ng mga bata noong nakaraang Hunyo at Hulyo. Ang programa ay natapos sa pamamagitan ng isang pangwakas na panalangin mula kay Gng. Marylyn Guevara.

“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda.” Ito ang tanyag na kataga na nagmula kay Dr. Jose Rizal. Isang inspirasyon na kataga at kapupulutan ng aral tungkol sa pagpapahalaga ng wika. Kaya naman, ang Preschool Department ay nais ipamulat sa mga bata na kahit maraming salitang banyaga, hindi dapat natin talikuran ang sariling wika at patuloy na ipagmalaki ang pagiging isang Pilipino.

 

Contact Us

Tel. 997-7777
Email : mail@olopsc.edu.ph
Gen. Ordoñez St. Concepcion Uno,
Marikina City, 1807 Philippines